Sanggol ka ni PenPen
Magulo ang iyong isip
mata mo ma’y nakapikit
sa higaa’y alumpihit
Pangamba’t takot nanaig
-
Ginulat ka nang umaga
oras ngayo’y habol mo na
walang tigil mga paa
malayo ang mga mata
-
Bumalik ka sa nagdaan
nakita mo’y kahirapan
pawis ang ‘yong naramdaman
ngunit masigla ang katawan
-
Sinipat mo kasalukuyan
sa konkreto mong tahanan
nakabibinging katahimikan
sa di mapakali na isipan
-
nakatingin ka sa may bukas
sa bukas na walng kupas
ang bukas na walang habas
gumugulat humahampas
-
Wag matakot na titigan
na alamin ang sukdulan
sa kahinaa’t pagtimbuwang
sa kawalan mo matutuklasan
-
Sa loob nang sinapupunan
naramdaman mo katahimikan
walang gutom, walang uhaw
sa loob nang siyam na buwan
-
Lumabas ka!
Eto na!
-
umiyak kang walang tigil
giniginaw, nanginginig
bituka mo’y namilipit
nagsusumamo ang iyong bibig
-
Walang saplot, walang damit
walang alahas walang sukbit
walang lakas ang yong bisig
Nang lumabas ka sa daigdig
-
Salamat sa mga kamay
na humaplos, umalalay
sa paa mong di tumuray
di pa kaya na mabuhay
-
Sa loob ng kanyang tiyan
sa loob nang siyam na buwan
ang mundo mo’y walang ingay
walang pait, walang lumbay
-
Sa bawat init ng araw
sa bawat kulog man o kidlat
sa bawat pagsubok na dumatal
harapin mong buong tapang
-
Sa loob ng ‘yong kaisipan
Mapapanatili mo katahimikan
at iyo ring maramdaman
sa puso mo pagmamahal
-
Nakatingin ka sa may bukas
sa bukas na walng kupas
ang bukas na walang habas
gumugulat humahampas
-
Walang saplot walang damit
walang alahas, walang sukbit
walang lakas ang ‘yong bisig
nang lumabas ka sa daigdig
-
Sa loob ng ‘yong kaisipan
mapapanatili mo katahimikan
at iyo ring maramdaman
Sa puso mo pagmamahal
Source: youtube.com
Binibini
Ikaw, na tila isang bulaklak
ang aking puso’y iyong binihag
ang iyong mga mata
na kumikislap sa ganda
animo’y isang kristal
dulot ay walang hanggang saya
Ang mga bituin sa kalangitan
walang panama sa iyong kariktan
mga ngiting abot langit
O Diyos ko ako sa kanya’y naaakit
para kang isang modernong Maria Clara
sa iyong yumi, ako’y nahahalina
mapalad ako at ikaw ay aking nakilala
Salamat binibini,
kahit sa panaginip lang tayo maaaring magkita
Source: andresrizal
II-Dahlia
ni Andres Rizal
Nagsimula ang lahat sa eskwelahan
panay ang laro, panay ang kulitan
Simpleng batok dito, simpleng suntok dyan
Konting asaran dito, mamaya away na ‘yan
-
Makikipag-usap sa katabi at hindi makikinig sa guro
puro kalokohan kaya walang naintindihan sa mga itinuro
pero siyempre kahit ako’y medyo inutil
sa mga maestra’y mataas pa rin ang pagtingin
-
Pasulyap na tingin sa natitipuhan kong babae
kahit ako’y di pinapansin dahil daw ako’y isang torpe
di makapanligaw inuunahan ng kaba
puro lang papansin hindi naman makaporma
-
Kapag oras na ng kainan, simulan na ang burautan
basta ako’y makakain “Huy! Pahingi naman ako niyan”
ang sarap talaga kumain kapag may halo pang kwentuhan
mga barkada mong makukulit na kahit sa problema ikaw ay sasamahan
-
Pagkatapos ng break, balik ulit sa klase
pagdating sa pagsusulit, kanya-kanya ng diskarte
lahat gagawin para lang makakopya ng sagot
pag nahuli naman, kaming lahat sa aming guro ay lagot
-
Pag natapos na ang klase, diretso na sa tambayan
tutugtog ng gitara sabay magkakantahan
wala kaming pakialam kung kami man ay sintunado
basta’t ang mahalaga sa aming lahat ako ang pinakagwapo(Huh? LOL)
-
Ang sarap lang talaga ulit alalahanin
mga ganitong pangyayari na sa buhay ko’y dumating
mga itinuturing kong mga tunay na kaibigan
kailanma’y hinding-hindi ko kayo makakalimutan
Source: andresrizal
Paglisan
Hindi hihinto ang oras
para lang hintayin ka
tumatakbo ang mga ulap
humahampas sa bawat daluyong
patuloy lang sa pag-ikot ang mundo
kasabay ng mga ngiting unti-unting nagpapaalam
dagling nilimot ang mga luha
sandaling iniwan ang bawat alaala
matatamis na kahapon
na kay sarap balik-balikan
sa puno iniukit
ang tuwang walang mapagsidlan
tuloy-tuloy…
tuloy-tuloy…
tuloy-tuloy lang ang pag-agos ng oras
sa isang sisidlang puno ng pag-asa
suwagwan ka sa ilog ng iyong buhay
wag mong hayaang matangay ka ng daloy
pilitin mong humakbang pataas
at sa huli’y mamuhay ka ng walang alinlangan
—-
Tula sa saliw ng musika
ni Andres Rizal
Source: andresrizal
Ang Aking Panulat
ni Andres Rizal
Paubos na ang tinta
ngunit ang isip ay gusto pang lumikha
Makamundong imahinasyon
nililimbag ang anumang makita
mga mapaglarong bagay sa aking mumunting isipan
Pilit tumatakas, gustong kumawala sa piitan
Tuloy-tuloy ang pag-agos
ng tinta sa aking panulat
gamit ang plumang makaluma
sa hiwaga ng mundo ako’y iminulat
Mga dahong ginto na aking sulatan
ideya’y dumadapo, mga letra’y nagsasayawan
Kahit ang isinusulat ko ay walang linaw kung saan tutungo
tadhana nga naman sadyang tuso kung ikaw ay mabibiro
daigdig kong punong-puno ng kulay at hiwaga
patuloy na sumasalungat sa agos ng aking tadhana
Paubos na ang tinta
ngunit ang isip ay gusto pang lumikha
panulat ko’y hinding-hindi ka iiwan
kahit sa mundong ito’y tuluyan na akong magpaalam
Source: andresrizal
Halakhak ng Hangin
ni Andres Rizal
Pagdurusa
Pighati
Kalungkutan
Sumasalamin sa buhay
ng mga taong naghihikahos
pilit bumabangon sa lusak
Mga simpleng pangarap na mahirap tupdin
Sapagkat umaapaw ang luha
sa mga matang walang tigil sa pag-agos
Kamay na napako sa mundong ating ginagalawan
na gustong kumawala sa kahirapang dulot
ng walang ambang pagnanakaw sa bayan
Muli’t muli’y aking ipaparating
ang yamang iyong taglay
kailanma’y hinding-hindi mo madadala sa langit
Source: andresrizal
Kisapmata
Sa isang iglap
ang iyong kawangis
ay muli kong nasilayan
Patawad
ang aking unang salitang
nasambit
Lubos na pinagsisihan
ang nagawa’y
pilit pinagdusahan
Sa isang kisapmata
ikaw ay naglaho
Ako’y iniwan at hindi na bumalik
kailanman
Andres Rizal
Source: andresrizal
Mata sa ulap, Paa sa lupa
ni Andres Rizal
Bakit kaya maraming tao ang gusto ng atensyon
yun bang tipong para silang nag-iilusyon
gustong makaupo sa mataas na posisyon
bakit hindi matuto sa mga nagdaang leksyon
Ano bang mapapala nila sa kasikatan
na kahit mga kaibigan handa niyang tapakan
gagawin lahat para lang makilala
mga taong nasa taas pilit hinihila
Isa lang ang maipapayo ko sa ganyang klase ng tao
‘pag ika’y nasa iyong rurok, wag lalaki ang ulo
ang sarap tingnan kung ang isang tao’y mapagkumbaba
ang mata’y nakatingin sa ulap habang ang mga paa’y nasa lupa
Source: andresrizal
Ang hirap talaga kapag anak ka lang
‘Pag may tampuhan ang magulang ikaw ang nahihirapan
Sana naman ay kanilang maintindihan
Na meron din akong damdaming nasasaktan
Oo alam kong wala akong karapatan upang sa kanila’y magalit
Sapagkat ako’y kanilang inaruga at hindi iniwan kahit isang saglit
Pero sana ay kanilang maunawaan
Ako’y isang anak din na pagmamahal nila ang kailangan
Source: andresrizal
Bagong Taon
ni Andres Rizal
Bagong taon
Bagong pagkakataon
Bagong panahon
Simulan para umahon
Bagong taon
Bagong pakikipagsapalaran
Gamitin ang dunong
Matutong lumaban
Bagong taon
Piliting maging masigla
Ang katawan ay pangalagaan
Kalusuga’y bigyang halaga
Bagong taon
Buhay ay baguhin
Subukang magsumikap
Wag lang sa suwerte daanin
Bagong taon
Bagong buhay
Kabaitang taglay
Sa kapwa natin ialay
Bagong taon
Bagong simula
Alalahanin ang kahapon
Huwag iwaksing bigla
Bagong taon
Bagong pag-asa
Mga problema noon
Iyong harapin at sa huli’y
maging masaya :D
Source: andresrizal
RIZAL
ni Andres Rizal
Isang daan at limampu na ang dumaan
Nang si Pepe ay ipinanganak sa ating bayan
At di naglaon ay tinawag ding Laong-laan
At nagsabi na ang “kabataan ang pag-asa ng bayan”
-
Siya ay nagmula sa bayan ng Calamba
Siya rin ang sumulat ng tulang ‘Sa aking mga Kababata’
At nagsabi na “Ang taong hindi magmahal sa sariling wika
Ay higit pa sa hayop at malansang isda
-
Sa pagiging babaero dun siya nakilala
Sa likod ng kanyang mga ngiti na napakahiwaga
Umalis ng pilipinas at pumunta ng Europa
At doon siya nag-aral at nagpakadalubhasa
-
Si Rizal ang gumising sa damdamin ng mga Pilipino
Sa pagsulat ng Noli me tangere at El Filibusterismo
Kanyang kinalaban mga prayleng katulad ni Damaso
At ipinagtanggol ang mga kapwa niya Pilipinong Indio
-
Para sa akin si Rizal ay isang dakilang bayani
Na mas inuna ang bayan kesa sa kanyang sarili
Pilipinas ang sinisigaw hanggang sa siya ay mahuli
Ng mga kastilang sa ating bayan ay lubos na umapi
-
Kaya ikaw Jose Rizal ay aking iniidolo
‘Kaw na da Best ka wika nga ni Vic Sotto
Sa pagiging makabayan hindi ka nagpatalo
Mabuhay si Rizal, Mabuhay ang lahing PILIPINO!
(via andresrizal)
Source: andresrizal






